Thursday, March 30, 2017

Ang Tunay na Ako

Ako si Marella Jane Talaga, ipinanganak noong Nobyembre 4,1999 sa Lucena City. Ang taas ko ay hindi nababagay sa edad kong 17, kaya madalas nila akong nasasabihan na "maliit."
Medyo mataba ako noon ngunit napapansin ng nakakarami ang pagbabago sa aking katawan. Sabi nila namamayat na daw ako ngunit sabi din nila hindi daw sa akin bagay ang payat.
Mas bagay daw sa akin yung medyo mataba ako.Namamayat nga ako pero mataba naman ang aking pisngi.
Hindi ako mahilig sa sports at hindi pala exercise kaya hindi ako nagkakaroon ng abs at hindi din nagkakamuscle ang braso ko. Pero sabi nila meron daw magandang hubog ang katawan ko.
Hindi ako maputi at hindi din naman ako kaitiman dahil kayumanggi ang aking kulay.Makikita sa akin ang pagka-Pilipina.
Ngunit sa kabila ng pagiging kayumanggi at hindi katangusang ilong, ako ay naniniwalang may angkin akong kagandahan. Madalas din itong napapansin ng iba, ngunit nahihiya pa rin ako tuwing pinupuri nila.
Pansin ko sa mga babae ngayon mahihilig magkilay.Tuwing may nakakasalubong ako kapansin-pansin 'yung kilay niya ngunit ako yung tipong hindi hilig mag-kilay.
Tinatamad din ako minsan magsuklay, dahil magugulo din naman. Madalas nakatali lang ng mataas ang buhok ko dahil mainit 'pag naka lugay. Mahilig akong mag pulbo dahil ayoko na malagkit ang aking mukha.
Madalas nakapantalon,tshirt,at sapatos lang ako. Hindi ako mahilig magbestida at magsuot ng maikli maliban na lang kung kinakailangan.
Madaming nagsasabi sa'kin na "simple" lang akong babae. Naniniwala ako sa kanila dahil 'yon din ang tingin ko sa sarili ko. Tanggap ko kung ano at sino ako.
Madalas sinasabi ng mga tao sa paligid ko para daw akong walang problema. Sinasabi ko na lang na lahat naman ng tao may problema pagandahan na lang ng pagdadala. Problema lang 'yan, hindi ka dapat magpatalo diyan.
Ako kasi 'yung taong pag nagkakaproblema, nagdadasal agad ako sa Diyos. Naniniwala kasi ako na lahat kayang gawin ng Diyos.
Madalas akong pumupunta sa mga gawain sa simbahan namin. Naglilingkod ako sa pamamagitan ng pagsayaw at pagkanta sa unahan. Nagbabahagi din ako ng salita sa mga katulad kong kabataan.
Sabi nila malawak daw ang imahinasyon ko. Siguro nga dahil nakakagawa ako ng iba't ibang kwento. Ang mga mambabasa ang nagiging inspirasyon ko.
Gusto kong maranasang lumipad katulad ng isang agila. Gusto ko din languyin ang karagatan katulad ng isang sirena.
Ang hinding hindi ko kailanman gagawin ay ang magpakamatay at pumatay. Ang buhay ay regalo ng Diyos. At ang 'wag pumatay ay kasama sa sampung utos Niya.
Ako 'yung tipo ng tao na gustong nararamdam na mahal at mahalaga siya. Isa kasi sa kahinaan ko ang balewalain ng mga tao sa paligid ko.
Ayoko ng may taong nagagalit sa akin. Ang bigat sa pakiramdam at pakiramdam ko ang sama-sama ko. Kaya nag-iingat ako sa mga sasabihin at gagawin ko.
Pangarap ko ang pumunta sa iba't ibang bansa. Gusto kong isama ang mga magulang ko.
Marami na akong napagdaanan at alam kong marami pa akong dapat pag daanan. Ano mang mangyari, magpapatuloy ako na abutin ang aking mga pangarap at hitagumpay sa buhay.
Lumaki akong may kumpletong pamilya. Magkakasama kami sa bahay. Kahit may asawa na ang Ate ko na pangalawa saming magkakapatid, sa'amin pa rin sila nakatira.
Hindi kami mayaman, hindi din kami mahirap, tama lang kumbaga nasa gitna. Naibibigay ng magulang namin ang aming pangangailangan at nakakakain kami ng maayos araw-araw.
Marami akong kaibigan at mga tinuturing na kapatid. Kasama ko sa kasiyahan, kalokohan maging sa kalungkutan. Lagi silang nandyan para sa akin.
Madalas akong hingan ng payo at mahilig din akong magbigay ng payo. Natutuwa ako tuwing may nagkwekwento sa akin dahil pakiramdam ko pinagkakatiwalaan nila ako.
Nabiyayaan naman ako ng talento sa pagkanta at mahilig akong gumawa ng sariling kanta. Sumasayaw din ako sa simbahan namin. Mahilig din akong magsulat ng kwento at inilalagay ko ito sa Wattpad.
Libangan ko ang pagbabasa ng libro. Pag may binabasa ako gusto kong tinatapos ito agad. Dahil dito kaya lumabo ang mga mata ko.
Mahilig din akong manood ng pelikula. Maingay ako kapag nanunuod at pakiramdam ko nararamdaman ko ang nararamdaman ng bida. Hindi lang ako nanonood ng katatakutan dahil ito ay aking naiisip at napapanaginipan.
Wala pa akong nakakarelasyon dahil hindi pa tama ang panahon at wala pa ako sa tamang edad. Pinagbabawalan ako ng magulang ko at hindi pa din naman ako handa.
Nakapokus ako ngayon sa pag-aaral. Gusto ko ang Filipino, English at Science. Mahina ako sa Math ngunit sinisimulan ko nang intindihin ito.
Hindi ako katalinuhan pero nagtapos ako nang may karangalan noong Junior High School. Ito'y inalay ko sa aking mga magulang na naging inspirasyon ko. Natutunan ko sa kanila na walang imposible basta marunong kang magtiwala sa sarili mo at sa kaya mong gawin.
May mga nagtatanong sa akin kung may balak akong pumasok sa pulitika dahil nga ang "Talaga" na apelyido ko ay puro kasali dito. Ngunit hindi ako susunod sa nasimulan nila dahil hindi ako interesado at wala akong hilig sa pulitika.
Muntik ng maghiwalay ang aking mga magulang. Ilang taon na ang nakakalipas nu'ng mangyari yon pero isa 'yon sa alaalang hindi ko makalimutan.
Nasa baitang 6 ako noon sa elementarya nang magkaroon ng problema ang aming pamilya. Dito nasubukan kung gaano kami katatag.
Ang aking ina ay may ibang lalaki at sabi niya sa amin, hindi na raw niya mahal si Papa. Pagkatapos umamin ni Mama kay Papa, umalis kami ni Mama ng bahay. Tumira kami sa apartment.
Gabi-gabi umiiyak si Mama. Ako'y madalas manahimik lang sa isang tabi.Katext ko lagi si Papa at binilin niya na alagaan ko si Mama.
Bilang pinakabunso sa aming tatlong magkakapatid, nahihirapan akong tanggapin ang nangyayari lalo pa dahil masyado pa akong bata. Hindi ko pa masyadong maintindihan ang mga bagay bagay.
Umiiyak din ako, ngunit 'pag wala ng tao sa paligid ko. Gusto ko kasing ipakita na malakas ako kahit sa loob ko, nahihirapan, at nasasaktan din ako katulad nila.
Ganito din ang napansin ko sa mga kapatid ko. Malalakas din sila katulad ko. Dahil dito napagtanto ko,pinalaki kaming malakas at matatag sa ano mang problema.
Makalipas ang mga araw, nagdesisyon si Mama na bumalik kami sa bahay. Naghiwalay sila nung lalaki at nagsama muli sila ni Papa.
Sinabi ni Mama na kaya siya bumalik ay para sa aming magkakapatid. Gusto ni Mama na makatapos muna ako ng pag-aaral. Ayaw niyang maranasan ko ang pagkakaroon ng hiwalay na pamilya.
Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil mayroon na ulit akong kumpletong pamilya. Hindi man perpekto pero masaya.


No comments:

Post a Comment